Thursday, April 21, 2011

Mahal na Araw: Panalangin at Pamamasyal

Lumaki ako sa probinsya at namulat ako sa iba't ibang tradisyon kapag Mahal na Araw or "Holy Week." Naalala ko noong bata pa ako, kapag sumasapit ang panahong ito, nalulungkot ako. Dahil pinaniwala ako ng mga nakakatanda sa akin na bawal ang magsaya, bawal kumain ng mga paborito ko, at kung anu-ano pang mga bawal. Para bang gusto kong i-fast forward ang mga araw para pag-gising ko, Easter Sunday na.

Sabi nila, ang lahat ay dapat nagdadasal ng mataimtim at nagpupunta sa simbahan. Wala akong choice kundi sundin ang mga gawaing ito, hanggang sa kinalakihan ko na.

Pero kung meron man akong inaabangan sa panahong ganito, yun ang "visita iglesia" at manuod ng senakulo. Gusto ko rin sumama sa prusisyon noon, pero ayaw ng mga magulang ko.



Lumipas ang ilang taon at ginagawa ko pa rin naman ang mga ito. Ngunit dahil sa bilis ng takbo ng panahon, minsan naitanong ko sa sarili ko, kundi ko ba susundin ang isa man lang sa mga gawaing ito, kasalanan na yun?


Ang Mahal na Araw ay panahon ng pagtitika at pagninilay ayon sa turo ng simbahan. Ngunit paano nga ba kung nahahaluan ito ng pagsasaya at pag-rerelax, masama ba? Yan ang tanong na ninais kong maintindihan.

Sino nga ba naman ang hindi magbabakasyon sa magagandang lugar tulad ng Boracay, Palawan, CamSur, Puerto Galera at iba pa sa panahon na ito. Para sa karamihan, ito lang ang pagkakataon nila makapagpahinga at makalaya sa stress at pagod sa trabaho. At para sa ilan, sinasamantala nila ang pagkakataon na ito upang makasama ang kanilang mga kapamilya.

Nasasabi ko ito marahil ni minsan ay di ko naranasan ang mag-Semana Santa sa mga lugar na nabanggit ko. Nakalakihan ko man ang mga tradisyong ito dahil sa turo ng mga nakakatanda sa akin, hindi ko naman ito pinagsisihan. At mas higit na hindi ko hinuhusgahan ang paraan ng mga nakakarami sa paggunita ng linggong ito.

Ang nais ko lang, huwag sana tayo makakalimot na bigyan ng kabuluhan ang mga araw na ito nasaan man tayo. Wala sigurong masama na mamasyal at magrelax, ngunit mas maganda kung mag-aalay rin tayo ng panahon para magpasalamat, humingi ng kapatawaran at makipag-usap sa kanya nang puso sa puso- siya ay walang iba kundi ang lumikha ng lahat ng bagay, kasama na rito ang mga magagandang lugar na ating dinadayo kapag Mahal na Araw.

No comments:

Post a Comment